Bilib kaming mga Taong Grasa sa palaban at nakikibaka. Pero nawindang kami at nawalan ng ganang kainin ang mg pagpag na nakolekta sa aming nasaksihan kung paano na-bully ng Anakbayan ang Akbayan. Isipin mong nilusob ng Anakbayan ang press conference ng Akbayan nitong Martes.
Sabi ng Anakbayan, pramis with all our hearts hindi namin tangkang guluhin ang press conference. Nandoon daw sila para makipag-debate. Ayos naman kung ganoon.
Pero makikita sa mga footage sa TV at base sa mga nabasa ko na nagsisigaw at nagwala ang mga Anakbayan members. Kung ang target ng Anakbayan ay sirain ang press conference, nagawa nila ito dahil walang lumabas na balita kung bakit ipinatawag ng Akbayan ang press conference.
Tila nalunod sa malalakas na sigaw ng Anakbayan ang mumunting tinig ng Akbayan.
Pero may mas malaking katanungan bakit tila mga galit na putakteng nilusob ng Anakbayan ang Akbayan. Ito ba ay dahil lamang sa libreng pa-merienda ni Vencer Crisostomo, isa sa mga nominee ng Kabataan party.
Kahit ako ay hindi naniniwala na libreng pagkain lamang ang dahilan kung bakit nilusob ng Anakbayan ang Akbayan.
Parang hindi ko kayang tingnang dahil lamang sa libreng pagkain ay gagawain ito ng mga aktibistang may idelohiyang ipinaglalaban.
Ano sila patay-gutom na manggugulo kapalit ng Jollibee? Parang batang nasuhulan ng bubble gum.
Ano ang tunay na dahilan at tila gumagamit ng psychological warfare ang Anakbayan at ang mga katropa nitong sa Makabayan tulad ng Anakpawis, Bayan Muna, Gabriela, Kabataan party, Kilusang Mayo Uno at iba pang grupong kasama sa National Democratic Movement?
Bakit hindi isinaalang-alang ng Kabataan Party ang paparating na halalan? Kung talagang tatakbo sa 2012 election ang Kabataan Party, ang Bayan Muna, Gabriela, Anak Pawis, ACT Teacher ay bakit tila sinusunog nila ang kanilang imahe?
Habang nagbibilang ng nakolektang plastic bottles at nagmumuni-muni ay pumasok sa isip kong hindi lang ito basta bullying. Ito ay isang orchestrated effort para basagin ang Akbayan. Pagkaraan kasing lusubin ang press conference, ang nilusob naman ng Anakpawis, Bayan Muna, Kabataan at Gabriela ang opisina ng National Anti-Poverty Commission na matatagpuan sa Elliptical Road sa Quezon City.
Sa katunayan ay binasag nila ang gate upang makapasok sa third floor ng gusali. Pero bigo silang makausap si Joel Rocamora, dating kasapi ng Communist Party of the Philippines (CPP) na kumalas sa dulong kaliwang grupo dahil sa pagtatalo sa ideyolohiya.
Ngayon ang tanong ay bakit ang Akbayan, na kung tutuusin ay napakaliit na makakaliwang grupo ang kailangang pagtuunan ng pansin ng mga National Democrats?
Kung bilang kasi ang pag-uusapan ay napakaliit lamang ng Akbayan. Sa Kongreso ay dalawa lang ang kinatawan ng Akbayan na sina Walden Bello at Kaka Bag-ao kumpara sa pito ng Makabayan group kasama si Antonio Tinio ng ACT Teachers, Rafael Mariano ng Anakpawis, Emi de Jesus at Luzviminda Ilagan ng Gabriela, Raymund Palatino ng Kabataan Party at Teddy Casino ng Bayan Muna. Si Teddy ang napabalitang tatakbo bilang senador.
Nabanggit ko ang tanong na ito sa ilang kapwa Taong Grasa. At ayon sa kanya, hindi kasi kayang banatan ng mga national democrats si Pangulong Noynoy Aquino na napakataas ng rating. Dahil dito, lohikal na ang kanilang babanatan ay ang pinakamalapit kay PNoy pero kalaban din nila sa ideolohiya, puso at pag-iisip ng mamamayan.
Isang kapwa Taong Grasa naman ang nagsabi na sa totoo lang mas kailangan ng National Democrats ang Akbayan dahil magagamit nila ito upang makapag-organize at makapag-propaganda. Kaya binanatan aniya ang Akbayan, kahit maliit ito at walang armas, ay upang makaahon sa kanilang kinasasadlakan ngayon na "marginalized" status sa kaliwa.
Kawawa naman pala kung ganun ang Akbayan, ginagamit lang ng "tunay at palaban" na kaliwa.
No comments:
Post a Comment