July 18, 2012

Stop AOPA!!!

Ang dalwang tukmol - Irwin Tieng (kaliwa) at
Mariano Michael Velarde.
Mainit ang ulo ko. At kaming mga Taong Grasa kapag mainit ang ulo may dahilan. Hindi yong tipong paggising mo ay feeling mo mainit ang ulo mo at maghapong mainit ang ulo mo.

Mainit ang ulo ko dahil dito kina IrwinTieng at Michael Velarde ng Buhay Party-list, ilan sa mga nangungunang mambabatas na pumipigil upang maisabatas ang Reproductive Health Bill.

Pero hindi ang kanilang pagpigil sa RH Bill ang nagpapainit ng bungo ko kungdi ang kanilang House Bill 6187 o Anti Online Piracy Act (AOPA) na naglalayong parusahan ang mga nagdownload ng mga online contents.


Ayon sa mga balitang lumabas nitong mga nakaraang araw, tila ginagaya na dalawa ang istilo ng mga negosyante at korporasyong kasapi ng Motion Picture Association of America (MPAA) na naglatag ng nabigong Stop Online Piracy Act (SOPA) sa Estados Unidos, gayundin ng katumbas nito sa Europe na tinawag namang Anti-Counterfeiting Trade Agreement (ACTA).

Base naman sa press release ng Mababang Kapulungan na may pamagat na Solons Declare War Against Online Piracy, kinakailangan umanong maisabatas ang panukala upang pangalagaan ang "intellectual property rights of many creators, artists, producers, songwriters, musicians and others whose hard work and great talent make music or film possible."


Ganito rin ang sinasabi ng mga nagpanukala sa SOPA at ACTA at hindi ito umubra. Bakit? Ito ay dahil sa likas na kaangkinan ng internet na isang malayang mundo na kung saan malayang nagse-share ang mga netizens ng kanilang mga files at impormasyon.


Itong kalikasan ng internet ang nais sagkaan nina Tieng at Velarde. Pero paano?


Pagmumultahin at ikukulong daw ang mga lalabag sa batas na itinuturing na mga pirata. Kung matutuloy ito, lahat ng mga Pilipino na gumagawa ng content sa internet ay makukulong.

Isang ehemplo nito ay ang larawan ni Dolphy. Alam nating si Dolphy ay isang brand, at bilang isang brand, kailangang pangalagaan ng mga nangangalaga sa kanyang brand ang kanyang larawan. Kung naisabatas na ang AOPA, malamang lahat ng naglagay ng picture ni Dolphy na nag-download sa internet ay dapat makulong dahil hindi nila pag-aari ang larawan ni Dolphy. Puwede silang habulin ng RVQ productions, na siyang nangangalaga sa brand ni Dolphy.

Ilagay din natin sa konteksto ng Pilipinas.

Gaano karaming Pinoy ay may kakayahang bumili ng mga copyrighted materials tulad ng libro mula sa ibang bansa? Ilang milyong Pilipino na nagsisipag-aral ang nagre-research at nagda-download ng mga libro na copyrigthted?

Ikukulong din ba sila ng dalawang taon at pagmumultahin ng P50,000 hanggang P300,000?

Katarantaduhan ang batas na ito at ang makikinabang lamang dito ay ang mga korporasyong naghahangad ng tubo.

Hindi pa nga nakakahawak ng computer ang milyon-milyong Pinoy eh, pagpatay na sa kanilang digital rights ang ipinapanukala ng dalawang bugok na kongresista.

Heto pa ang nakakabanas. Si Tieng ay pamangkin ni Wilson Tieng, ang Chief Executive Officer ng Solar.

Hmmm, parang self serving naman ang batas na ito. Sasabihin pang upang protektahan ang mga artist, eh negosyo lang pala ng uncle niya ang gustong protektahan.

Susmaryahosep!!!


1 comment: