April 7, 2012

Paano makaka-survive sa summer

photo mula sa glamquotes.com
Kung katulad ka naming mga Taong Grasa, malamang wala ka ring pamadyak para makalabas ng Lungsod o saan mang lupalop ka ng Pilipinas naghahasik ng iyong asim.

Hindi naman kailangang maging magastos upang maka-survive ka sa summer eh. Ang mahalaga lang ay alam mo ang dapat mong gawain.



Magswimming. Hindi naman kailangang magpunta sa beach kung gusto mong magpalamig. Dito sa Maynila, puwedeng sa Ilog Pasig o kaya ay sa Manila Bay ka magpunta.

Dinadagsa ng mga tulad nating Taong Grasa ang Manila Bay kapag tag-araw. Makikita sa larawan sa kaliwa kung gaano karaming mga Pinoy ay naliligo sa Manila Bay, kahit na amoy Taong Grasa rin ang dagat na ito.

Kung gusto mo naman ay sa Pasig River, sigurado akong kung makaka-survive ka sa Pasig River, makaka-survive ka sa Summer. Aba mantaking mo namang kung gaano karami ang dumadaang mga barges dyan. Idagdag pa natin ang mga water lily, basura at kung ano0ano pa.

Magpalamig. Ang daming malls dito sa Kamaynilaan hindi ka mahihirapan maghanap ng airconditioned na lugar.  Saang panig ka man pumunta ay tila nabili na ni Henry Sy ang mga naglalakihang mga lupa.

 Ang swerte nga naman ng mga Pilipino ay may katulad ni Henry Sy na tumitikoy sa mga manggagawa para lamang mabigyan ng airconditioned na mall ang mga Pinoy.

At kahit saang lupalop ng Pilipinas may SM, di ba? Kaya tayo na sa SM, samantalahin natin ang kabaitan ng dambuhalang negosyanteng si Henry Sy,.

gmanetwork.com photo
Magpakabanal. Kung iniingatan mo ang iyong balat sibuyas at ayaw mong magtampisaw sa Manila Bay at Pasig River, puwedeng magpalamig sa loob ng simbahan. Sa mga simbahan, siguradong may electric fan. Piliin ang upuang pinakamalapit sa electric fan upang siguradong mahahanginan.

Yumuko na tila nagdarasal at huwag maghuhubad kahit na tagaktak ang pawis mo at baka magaya ka dun sa taga-Davao na pinalayas sa loob ng simbahan.

No comments:

Post a Comment