June 17, 2012

Giyerang Online Part 1


Kaming mga Taong Grasa ay mahilig sa libre. Libreng mp3, libre mp4 o anumang video sa iba't ibang format o maging mga libreng software. Hindi namin ikinakaila na piratang software ang nagpapatakbo sa aming mga notebooks, PCs at maging sa aming mga cellphones.


Pirata rin ang aming telepono. Ang tawag dito ay Blueberry minsan naman ay Redberry. Depende sa kulay ng case. Tinatawag din itong china phone, na ang motherboard ay mula sa Taiwan at in-assemble sa mga factory sa China. Maging ang mga software na ikinakarga sa mga teleponong ito ay pinirata.

At dahil napakaraming Taong Grasa, hindi lamang dito sa Pilipinas kungdi maging saang parte ng mundo, marami ang gumagamit ng mga piratang software at hardware.



Isang magandang halimbawa nito ay ang paggamit ng mga piratang software and hardware sa matagumpay na Egyptian Revolution.

Ipinangangalandakan ng mga Egyptian na ang kanilang revolution na nagpabagsak sa apat na dekadang pamamahala ni Hosni Mubarak ay isang social media revolution.

Ginamit kasi nila ang Twitter at Facebook bilang plataporma at dahil hindi ito kayang i-censor ng pamahalaan, nagkaroon ng paraan ang mga Egyptians na makapag-organisa at mapabagsak ang rehimeng Mubarak.

Ang hindi alam ng marami ay naging mabisa ang social media revolution dahil may paraan ang mga Egyptian na i-access ang internet sa pamamagitan ng mga murang cellphone.

Ironically, ang ginamit ng mga Egyptians ay ang mga cellphone mula sa China. Isang malaking kabalintunaan di ba. China phone ang nagpabagsak kay Mubarak.

Kung hindi sa murang teknolohiya hindi magkakaron ng revolution sa Egypt. At ito ngayon ang ikinakaba ng mga gobyerno saan mang panig ng mundo.

May kakayahan na ngayon ang mga pangkaraniwang mamamayan na mag-organisa gamit ang pangkaraniwang cellphones. Ito man ay para sa pagbabago o para sa panggagago.

May karanasan sa ganitong bagay ang United Kingdom. Nag-alsa ang mga kabataan sa UK at ginamit nila ang Blackberry Messenger at iba pang social media platforms upang makapag-organisa. Pero ito ay humantong sa riot. May mga hooligans na nagsunog at mayroon namang nambugbog ng mga migrants.

Sa Estados Unidos, nagkaroon din ng mga online organizing na humantong sa pagbuo ng Occupy movement. Kabaliktaran sa UK at malamang dahil na rin sa kaba, na-paranoid ang mga pulis at binugbog gamit ang mga truncheons ang mga "occupiers" upang sila ay i-disperse.

Gumamit din ang mga pulis ng pepper sprays laban sa mga walang kalaban-labang mga protesters.

Sabi nga ng kaibigan ko, wala naman daw pinagkaiba ang US at dating communist Russia at kasalukuyang rehimen sa Moscow, pareho lamang daw na police states ang mga ito.

Dahil sa mga karanasang ito, napa-paranoid ang mga estado, kasama na ang China, kung saan censored ang mga salitang Tiananmen Square sa mga online search.

Ang Tiananmen Square kasi ang lugar kung saan nag-protesta ang libo-ligong Chinese students na humihingi ng pagbabago sa political system sa Tsina. Pero kaysa pakinggan, tangke ang isinagot ng pamahalaan.

Dito sa Pilipinas ay wala pa tayong nararanasan na ganitong mga pangyayari. Bagamat hindi kaila sa marami ang online wars sa pagitan ng mga artista, Pacquiao fans at sinumang kalaban ng Pambansang Kamao o kaya'y ng mga political parties, partikular ang mga nasa Kaliwa. Pero ito ay kutsaan at patalbugan lamang kung sino ang mas tama, totoo at minsan, mas makakaliwa. He he he.

No comments:

Post a Comment